Kelot, kalaboso sa bakal sa Caloocan
- Published on February 18, 2025
- by Peoples Balita
SHOOT sa kulungan ang isang lalaki matapos inguso sa pulisya na may bitbit na bakal habang gumagala sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Mahaharap ang suspek na si alyas “Dagul”, 25, sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at B.P. 881 (Omnibus Election Code of the Philippines).
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Ecille Canals hinggil sa isang lalaki na gumagala habang may bitbit umanong baril na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa Morning Star St., Brgy. 178.
Agad namang remesponde sa lugar ang mga tauhan ni Col. Canals kung saan naabutan nila ang suspek na hawak umanong baril na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-3:40 ng madaling araw.
Nakumpiska kay alyas Dagul ang isang kalibre .9mm revolver na kargado ng limang bala at walang kaukulang mga dokumento habang inaalam pa ng pulisya kung nasangkot na ang suspek sa illegal na mga gawain.
Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director of the Northern Police District (NPD) ang mabilis at epektibong pagkilos ng mga tauhan ng Caloocan police. “This operation demonstrates our unwavering commitment to public safety, especially during the election period,” ani Ligan. (Richard Mesa)