• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 5:00 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, isinelda sa kinulimbat na mga gadgets

KALABOSO ang 22-anyos na part-time worker ng isang bodega ng iba’t-ibang produkto nang kanyang tangayin sa tanggapan nito ang mga gadgets sa Valenzuela City.

Ani Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, natuklasan ng Human Resource Manager ng Surewin Household Corp. sa Malakas St., Brgy. Dalandanan na si alyas “ Ela”, 27, ang pagkawala ng dalawang laptop at dalawang cellular phone ng may kabuuang halagang Php105, 000.00 nang buksan niya ang kanilang opisina dakong ala-12:41 ng Linggo ng hapon.

Nang personal niyang rebisahin ang kuha ng CCTV ng kompanya, dito niya natuklasan na ang kanilang part-time na kawani na si alyas Ranuel ang tumangay sa mga gadgets kaya i-nireport niya ang insidente sa barangay.

Sunod na humingi siya ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 6 kaya sinamahan siya ng mga tauhan ni SS6 Commander P/Capt. Doddie Aguirre sa Police Detective Unit ng Valenzuela police.

Sa ikinasang follow-up operation ng mga tauhan ni Col. Cayaban, nadakip ang suspek sa kanyang bahay sa Area 4, Pinalagad, Malinta dakong alas-2:35 ng madaling araw.

Pagnanakaw ang kasong inihain ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office matapos mabawi sa kanya ang mga gadgets na kanyang kinulimbat sa tanggapan ng naturang bodega. (Richard Mesa)