• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, bebot kulong sa iligal na pagbebenta ng baril sa Caloocan 

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang kelot at kasabwat nitong bebot matapos magbenta ng baril sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Caloocan City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Caloocan Police OIC Chief P/Col. Joey Goforth hinggil sa umano’y iligal  na pagbebenta ng baril ng 25-anyos na construction worker at 28-anyos na bebot.

Nang magawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng isa sa mga operatiba ng Caloocan Police Station Intelligence Section, agad nilang ikinasa ang entrapment operation.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin sila ng mga tauhan ni Col. Goforth matapos tanggapin ang marked mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng baril na kanilang ibinenta dakong ala-1:30 ng madaling araw sa kanto ng St. Peter Street at San Simon Alley, Brgy. 186.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver at buy bust money na isang tunay na P500 bill, at P7,500 boodle money na binubuo ng isang P500 at pitong P1000 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 32 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang pagsisikap at propesyonalismo ng arresting team, na nagbibigay-diin sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)