Kaya’t hindi siya dadalo sa ICC hearing sa susunod na linggo: Malakanyang, itinanggi ang bintang ni Digong Duterte na kinidnap siya ng gobyerno ng
- Published on February 20, 2026
- by @peoplesbalita
ITINATWA ng Malakanyang ang bintang ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na siya ay kinidnap ng gobyerno ng Pilipinas.
Ito kasi ang ginamit na dahilan ni Digong Duterte kaya’t tumanggi siya na dumalo sa International Criminal Court’s (ICC) hearings sa susunod na linggo.
“Alam naman natin kung anong ibig sabihin ng kidnapping,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam.
“Since nag-start na ang hearing doon, pinauubaya ng ating gobyerno through RA 9851 ang pagdinig nang tuluyan ng kaso doon,” aniya pa rin.
Tinukoy naman ni Castro ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, at iba pang Crimes Against Humanity.
Sinabi pa nya na sa ilalim ng Section 17, “Philippine authorities defer to an international tribunal if a case is already being heard or investigated there.”
Tinukoy din nito na ang mga reklamo na inihain kay Digong Duterte ay inihain ng mga mamamayang Filipino na naramdaman na hindi nila makukuha ang hustisya noong panahon na iyon.
Sa ulat, muling naghain ng waiver si Digong upang hindi na personal na dumalo sa confirmation of charges hearing ng International Criminal Court (ICC) na itinakda mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026.
Sa liham na may petsang Pebrero 17 at ipinadala mula sa ICC Detention Centre, iginiit ni Duterte na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.
Iginiit din ng dating Pangulo na ang kasalukuyang administrasyon umano ang nasa likod ng kaniyang sapilitang pagdadala sa Netherlands, na tinawag niyang isang uri ng “kidnapping.”
Mariin din niyang pinabulaanan ang mga paratang kaugnay sa umano’y extra-judicial killings, na aniya ay isang “outrageous lie.”
Binanggit din ni Duterte ang kanyang edad at kalagayang pangkalusugan bilang dahilan ng hindi pagharap sa pagdinig.
Gayunman, sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang kahihinatnan ng kaso at ipinauubaya na lamang sa kanyang mga abogado ang pagtutol at paghamon sa ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, habang nananatiling nakatuon ang kaniyang puso sa Pilipinas. ( Daris Jose)