Kaya iba ang atake bilang Monique: BARBIE, aminadong ‘di kayang pantayan ang pagganap ni SHARON
- Published on September 7, 2023
- by @peoplesbalita
AMINADO si Barbie Forteza na hindi niya mapapantayan ang Megastar na si Sharon Cuneta sa pagganap nito sa pelikulang “Maging Sino Ka Man,” na kanilang gagawin sa telebisyon ni David Licauco.Ayon pa kay Barbie ay iba ang kaniyang magiging atake bilang si Monique, na iba sa ginawa ni Sharon sa pelikula.
“Hindi naman po siya conscious effort na ibahin, kasi definitely iba po talaga ‘yung magagawa ko dahil wala naman talagang makakapantay sa ating Megastar,” pahayag ni Barbie.
Sinadya ni Barbie na panoorin ang movie version ng ‘Maging Sino Ka Man’ nina Sharon at Robin na ipinalabas sa mga sinehan noong 1991.
“Pinanood ko po ‘yung pelikula, hindi dahil pressured ako, [kundi dahil] kasi gusto ko siyang mapanood kasi hindi ko siya time eh… So I really loved the film!
“Sobrang nakakatawa sina Mr. Dennis Padilla, si Senator Robin, tapos iba ‘yung presence talaga ng ating Megastar doon sa pelikula,” kuwento ni Barbie.
Gagampanan naman ni David ang karakter bilang si Carding, na ginampanan sa movie version ni Robin.
Mapapanood na ang ‘Maging Sino Ka Man’ sa Setyembre 11 ng 8 p.m. sa GMA Telebabad at 9:40 p.m. sa GTV.
***
KUNG hindi bilang si Prinsipe Zardoz ang ginampanan ni Martin del Rosario at papiliiin siya ng ibang papel, kaninong role ang nais niya at bakit?
“Ako siguro gusto kong gampanan si Mark Gordon kung hindi ako si Zardoz. Kasi originally sa audition dalawang scripts yung binasa ko, Zardoz and Mark.
“Interesting din yung character ni Mark so parang ang sarap din siyang paglaruan kung hindi ako si Zardoz siguro.”
Si Radson Flores ang gumanap bilang Mark Gordon na isa sa mga piloto ni Voltes V kasama sina Miguel Tanfelix bilang Steve Armstrong, Ysabel Ortega bilang Jamie Robinson, Matt Lozano bilang Big Bert Armstrong at Raphael Landicho bilang Little Jon Armstrong.
Sa Instagram account ni Martin ay makikita ang mga post niya ng patuloy niyang pagpapaganda at pagpapalaki ng katawan sa pamamagitan ng regular workout sa gym.
May pinaghahandaan pala kasi si Martin na proyekto.
“Hindi ko pa po puwedeng sabihin, confidential pa pero may pinaghahandaan po ako, kailangan medyo malaki ang katawan ko.
Finale na ng Voltes V:Legacy ngayong Biyernes, September 8, sa GMA.
(ROMMEL L. GONZALES)