• July 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kaugnay ng P75 million plunder case…Sen. Marcoleta, sumuko na at kasalukuyang nasa Camp Crame

SUMUKO na si Senador Rodante Marcoleta matapos tuluyang isyuhan ng Sandiganbayan ng warrant of arrest kaugnay ng P75 million plunder case na inihain laban sa kanya.

Kasalukuyang nasa Camp Crame na ang senador para sumailalim sa booking procedure.

Sa isang panayam sa senador bago lisanin ang Sandiganbayan, sinabi ni Marcoleta na inasahan na niya ang pag-isyu sa kanya ng warrant at nanindigang nakahanda siyang harapin ito.

Bago ito, nagtungo si Marcoleta sa Sandiganbayan nitong umaga ng Lunes para dumalo sa pagdinig sa kaniyang plunder case kaugnay ng umano’y hindi idineklarang campaign donations na natanggap ng senador noong 2025 senatorial elections.

Naghain si Marcoleta ng ilang mosyon kabilang ang hirit na ibasura ang kasong plunder subalit nakakita ng probable cause ang anti-graft court, na nagresulta sa pag-iisyu ng arrest warrant laban sa kanya at tatlong iba pa.

Samantala, posibleng manatili muna si Marcoleta sa Philippine National Police (PNP) General Hospital ng isa hanggang dalawang araw para masuri, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Matapos ngang maaresto kasunod ng kanyang kusang pagsuko, isinasailalim ang senador sa medical examinations bilang bahagi ng kaukulang proseso.

Sa oras na makumpleto ang pagsusuri sa kalusugan ng senador saka siya ililipat sa Quezon City Jail sa Payatas. ( DARIS JOSE)