Kaso ng human trafficking… MAS MARAMI PANG BIKTIMA NG ‘BACKDOOR’, ANG NAKAUWI
- Published on March 25, 2026
- by @peoplesbalita
NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado matapos makauwi ang panibagong batch ng mga Pilipinong biktima ng human trafficking, isang taon matapos silang iligal na umalis gamit ang “backdoor” exit routes.
Binigyang-diin ni Viado ang pangangailangang paigtingin ang pagbabantay sa mga kilalang ilegal na labasan, lalo na sa katimugang hangganan ng bansa, dahil patuloy na sinasamantala ng mga sindikato ang mga rutang ito gamit ang maliliit na bangka para ilabas ang mga biktima.
Ang dalawang biktima — mga lalaking edad 27 at 30 — ay dumating sa bansa madaling araw ng Marso 20 mula Vientiane, Laos sakay ng Philippine Airlines, matapos i-recruit para sa umano’y trabaho sa ibang bansa. Lumabas sa paunang imbestigasyon na umalis sila ng Pilipinas noong 2025 sa pamamagitan ng irregular migration corridor, o “backdoor” exit, sa karagatan ng Zamboanga upang iwasan ang opisyal na immigration control.
Ayon sa mga biktima, pinangakuan sila ng trabaho sa ibang bansa — bilang waiter at farm worker — na may buwanang sahod na Php 40,000 hanggang Php 60,000. Pagdating sa Laos, pinilit naman silang magtrabaho bilang “love scammers” na nambibiktima ng mga dayuhan sa online romance schemes.
Pinasalamatan ni Viado ang mga law enforcement agency at lokal na pamahalaan sa mga itinuturing na “hotspot” ng iligal na migrasyon dahil sa mas mataas na pagbabantay. Ibinahagi niya na nakatanggap sila ng ilang kahilingan para sa identity verification sa nakaraang taon kaugnay ng mga indibidwal na nahuling nagtatangkang tumawid nang iligal.
“Nangangako kami na magbibigay ng impormasyon sa mga ilegal na ruta na maaaring dinaanan ng mga biktima, upang makapaghigpit ang mga lokal na pamahalaan at law enforcement sa mga umuusbong na hotspot,” ani Viado. “Binabalaan ang mga trafficker na nagsasamantala sa mga illegal na labasan na malapit nang nagtutulungan ang mga awtoridad para pigilan ang mga ito, at paiigtingin ang mga aksyon,” diin ni Viado. (Gene Adsuara)