KASINUNGALINGANG KONSTITUSYUNAL ANG PAGSISI KAY PBBM -GOITIA
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
BINATIKOS ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga paratang ni Arnedo S. Valera ng Esquire, na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dapat sisihin sa kontrobersiya sa budget.Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ito ay hindi lamang uri ng malaking panlilinlang kundi hayagang kasinungalingan laban sa ating Konstitusyon dahil ang Kongreso ang tunay na may kagagawan na nakalahad sa Konstitusyon.“Nasa Mababang Kapulungan o sa House of Representatives nagsisimula at natatapos ang lahat ng appropriation bills. Ang Kongreso ang gumagawa, nagdedebate, at nagpapasa ng budget — kasama ang lahat ng insertions. Kung may anomalya, sila ang dapat unang managot. Ang pagsisi lahat sa Pangulo ay hindi lang mali, kundi insulto sa prinsipyo ng separation of powers,” ayon kay Goitia.Paliwanag naman ni Goitia sa veto na ito ay panangga laban sa mali. Kung basta na lang i -veto ang bilyun-bilyong proyekto nang walang sapat na basehan, magiging abuso iyon at paralisado ang mga komunidad na umaasa sa budget. Ang tunay na lider ay maingat at matalino, hindi pabigla-bigla ng mga desisyon.Tinutulan din ni Goitia ang impeachment dahil ito ay para lang sa matinding pag-abuso, pagtataksil sa bayan, o tahasang paglabag sa Konstitusyon. Ang pagpirma sa budget na dumaan sa tamang proseso ay hindi pasok dito. Kung gagamitin ang lohika ng mga kritiko, lahat ng Pangulo mula 1987 dapat nang na-impeach. Iyan ay hindi batas, iyan ay ilusyon ng mga pulitiko.Hindi rin umano sagot ang pagbibitiw dahil ito ay personal na desisyon at ang legal na paraan ay impeachment.Tungkol naman sa Independent Commission, hindi ito pantakip, kundi pagbibigay ng linaw at hustisya.Dinepensahan din ito ni Goitia, ang pagbubuo ng komisyon dahil mas may malinaw na kapangyarihan ang Pangulo sa ilalim ng Administrative Code na bumuo ng fact-finding bodies.(Gene Adsuara)