Karnaper na wanted sa Navotas, nalambat sa Caloocan
- Published on June 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
TIMBOG ang 21-anyos na kelot na wanted sa kaso ng carnapping sa Navotas City makaraang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguang lugar sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili hinggil sa kinaroroonan ng akusado na nakatala bilang Most Wanted Person sa Navotas City Police Station.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga tauhan ng NPD ang manhunt operation laban sa akusado hanggang masukol siya sa Brgy., 8, Caloocan City.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 287, Navotas City, noong June 1, 2026 para sa paglabag sa Sec. 3 ng R.A 10883 o ang Anti-Carnapping Act of 2016.
May inirekomenda namang piyansa ang hukuman na halagang P300,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado. (Richard Mesa)