Kapalaran ng Prime Water deals, depende sa resulta ng imbestigasyon – Malakanyang
- Published on May 10, 2025
- by @peoplesbalita
DEPENDE sa magiging resulta ng imbestigasyon ang magiging kapalaran ng Villar-owned PrimeWater Infrastructure Corporation.
Kasalukuyan kasing sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang PrimeWater Infrastructure Corporation. dahil sa sinasabing ‘palpak na serbisyo’ nito.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na inaasahan nito na magpapalabas sa lalong madaling panahon ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ng kanilang findings sa imbestigasyon ng di umano’y hindi magandang serbisyo ng PrimeWater.
“Tandaan po natin, ang estimated po na sinasabing naapektuhan po ng hindi magandang serbisyo ng PrimeWater ay umaabot na po sa 16 million na katao so kailangan lang po talaga na ito’y mabilisang maaksyunan,” ang sinabi ni Castro.
Nauna rito, naghain ng reklamo ang Bayan Muna Party-list at mga consumer ng PrimeWater Infrastructure Corp. sa Malakanyang na nananawagan ng kanselasyon ng lahat ng joint venture agreements (JVAs) sa pagitan ng Villar family-owned private water utility firm at local water districts sa buong bansa.
Tinukoy ang malaganap na ‘service failures at legal violations.’
Sa reklamo na naka-address kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ng grupo na ang JVAs ay nagresulta ng madalas na pagkaantala ng suplay ng tubig, mahinang kalidad ng tubig, mataas na rates, at hindi tumutugon na serbisyo sa customer sa mga lugar kabilang na ang San Jose del Monte sa Bulacan, Bacolod City, Quezon, Cavite, at Bukidnon provinces.
Sinabi ng Bayan Muna na ang JVAs, karamihan ay pumasok sa administrasyong Duterte ay ‘disadvantageous’ sa publiko at lumabag sa probisyon ng Presidential Decree 198, na nagkakaloob ng operational control ng water districts sa kani-kanilang boards.
Binalaan din ito ng potensyal na paglabag sa Saligang Batas at public-private partnership regulations.
Sinasabing isang malaking pasanin ng mga consumers ang mataas na halaga sa kabila ng masamang serbisyo, sinasabing ang rates sa San Jose del Monte ay tumaas mula P280 sa P499.53 para sa unang 10 cubic meters ng pagkonsumo mula nang mag-takeover ang PrimeWater noong 2018.
Tinukoy din sa reklamo ang displacement ng water district employees at kinuwestiyon kung ang PrimeWater ay nagtsa-charge ng corporate income taxes sa consumers, isang isyu na dati ng ipinarating sa Supreme Court.
Ang apela pa rin ng Bayan Muna kay Pangulo ay magpalabas ng isang executive order na nagpapawalang-bisa sa JVAs, atasan ang Local Water Utilities Administration na kuning muli ang kontrol ng apektadong distrito at pag-utos ang ‘full investigation’ sa kasunduan.
At sa tanong kung bukas ang Malakanyang sa panawagan na kanselahin ang umiiral na kasunduan sa PrimeWater, sinabi ni Castro na kailangan muna nilang hintayin ang resulta ng imbestigasyon kasunod ng naging direktiba ni Pangulong Marcos.
“Kung meron pa pong mga tao na nagrereklamo, may mga ahensiya, may mga government agency na umaayon sa ginagawa ng Pangulo patungkol po sa pag-iimbestiga, particularly sa PrimeWater, iyan po ay ating wine-welcome dahil ibig sabihin, ang aksyon pong ginawa ng Pangulo ay hindi lamang po pamumulitika,” ang litanya ni Castro.
“Unang-una po, ang Pangulo at ang administrasyon ay naniniwala po sa due process. Hindi po tayong laging may kasabihang , ‘Cut the process’. So, aalamin po natin lahat, kung ano ba, kung may anomalya, kung ano ba yung pagkukulang, at kung anuman ang dapat ipahinto,” ang pahayag nito.
( Daris Jose)