Kapag nag- full blast na ang rehabilitation… Skyway toll fee ililibre habang inaayos EDSA
- Published on May 29, 2025
- by @peoplesbalita
TAHASANG sinabi ni Transportaion Secretary Vince Dizon na pinag-uusapan at pinag-aaralan na nilang ilibre ang toll fee sa Skyway Stage 3 sa Hulyo o Agosto kapag nag-full blast na ang EDSA rehabilitation.
Ayon kay Dizon, ang mga apektadong segment lang ng EDSA kung saan kailangan mag-detour ng mga sasakyan na magiging libre, ito ay bahagi ng inisyal na intervention ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibsan ang matinding trapik na magiging dulot ng isasagawang rehabilitasyon sa EDSA.
Samantala, sa halip na isang linggo, isang buwan gagawin ang dry run ng Odd-Even Scheme na ipapalit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa number coding habang inaayos ang EDSA.
Ito naman ang sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes kung saan 24/7 ipatutupad ang dry run simula Hunyo 16. Una nang sinabi ng MMDA na isang linggo lang ang gagawing dry run para sa Odd-Even Scheme.
Sa Odd-Even Scheme, bawal dumaan ang mga plakang nagtatapos sa 1,3,5,7, 9 sa tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes habang ang mga plakang nagtatapos naman sa 2,4,6,8,0 ay bawal sa araw ng Martes, Huwebes at Sabado.
Nilinaw ni Artes na mangingibabaw ang Odd-Even Scheme sa kahabaan ng EDSA habang ang number coding scheme naman ang patuloy na ipatutupad sa iba pang main thoroughfare “With the enforcement of the odd-even scheme, we are expecting a 40% reduction in the number of vehicles along EDSA,” ani Artes. ( Daris Jose)