• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:32 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kambal na batang babae utas, 7 sugatan sa pagsabog sa Valenzuela

KAAWA-AWA ang sinapit na kamatayan ng kambal na batang babae makaraang malapnos ang katawan habang pito pa ang sugatan sa sunog na sumiklab dulot ng malakas na pagsabog na sanhi ng naka-imbak umanong kuwitis Miyerkules ng tanghali sa Valenzuela City.

Dead-on-the-spot ang kambal na pitong taong gulang, habang isinugod naman sa Valenzuela Medical Center ang pito pang sugatan, kabilang ang 5-taong gulang na batang lalaki at anim na babae na may mga edad na 63, 52, 31, 9, 7, at ang 13-taong gulang na kritikal ang kondisyon.

Sa isinagawang pulong-balitaan na pinangunahan ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, nagsimula ang sunog dakong alas-11:33 sa bahay ng isang alyas “Rodjay” sa 173 Pieces St. Batimana Compound, Marulas,matapos ang malakas na pagsabog na yumanig sa mga kabahayan sa naturang lugar.

Itinaas lamang sa unang alarma ang sunog na kaagad ding naapula makaraang ang 15-minuto na nakaapekto sa apat na pamilya makaraang mawasak at masunog ang tirahan sa lakas ng pagsabog.

Ayon sa alkalde, lumabas sa pagsisiyasat na posibeng nag-imbak ng mga kuwitis ang pamilya habang mura pa ang halaga nito para ibenta sa Bagong Taon.

“Ang masakit pa, kamag-anak ng may-ari ng bahay yung dalawang nasawi. Wala naman kasing permiso sa pag-iimbak ng pyrotechnics ang may-ari ng lalu na’t may ordinansa dito na bawal ang pag-manufacture dito sa aming lungsod ng mga paputok. Isolated case lang yan,” pahayag ni Mayor Gatchalian.

Tiniyak naman ni Mayor Wes na pananagutin nila ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng pagsabog lalu’t may ordinansa sila na bawal ang pag-manufacture at pagbebenta ng paputok sa lungsod at hindi sila nagbibigay ng permiso sa ganitong uri ng hanapbuhay. (Richard Mesa)