Kalahati ng 11 milyong plate backlog tatapusin ng LTO sa loob ng 6 buwan
- Published on August 5, 2022
- by @peoplesbalita
TARGET ng Land Transportation Office (LTO) na tapusin ang kalahati ng 11 milyong plate backlogs sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Teofilo Guadiz III kabilang sa 11 milyong backlog ang mga plaka na dapat sana’y natapos na mula 2016.
“Ang timeline ko rito mga six months baka matugunan na ang kalahati nitong mga plakang hindi pa nade-deliver sa mga bumibili ng sasakyan,” ayon kay Guadiz
Kaugnay nito, sinabi ni Guadiz na dodoblehin ng ahensya ang mga tauhan sa plate-making plants sa 24-hour operation at mag a-outsource ng iba pang manufacturer para mapabilis ang paggawa ng car plates.
Una nang inanunsyo ng LTO na kailangan nito ng P6.8 bilyon para matapos ang backlog sa car plates.
Inaasahan ding maipatupad ng LTO ang pagkakaroon ng online transaction sa vehicle registration at renewal ng driver’s license upang maiwasan ang pagpunta ng dagsa ng tao sa mga LTO offices lalo na ngayong pandemic.
Nais ni Guadiz na maipatupad ang mas mababang LTO fees sa mga serbisyo ng ahensya.