Kai Sotto halimaw sa Japan B.League
- Published on February 4, 2026
- by @peoplesbalita
PARANG hindi dumaan sa ACL injury si Kai Sotto matapos magpasiklab sa kanyang pagbabalik-aksyon kasama ang Koshigaya Alphas sa Japan B.League.
Nagtala si Sotto ng impresibong double-double output na 20 puntos at 14 rebounds kasama ang dalawang assists at isang block para pamunuan ang Alphas sa 81-80 panalo kontra sa Levanga Hokkaido.
Magandang resbak ito para sa Alphas na yumuko sa Hokkaido sa kanilang unang paghaharap noong Sabado sa iskor na 81-88.
Bumandera sa naturang panalo ng Levanga si Gilas Pilipinas standout Dwight Ramos na may 18 puntos, anim na rebounds at dalawang assists.
Naglista naman ang 7-foot-3 na si Sotto ng double-double na 14 points, 10 rebounds at anim na assists sa naturang laro.
Nakabalik na sa porma si Sotto matapos magtamo ng ACL injury noong nakaraang taon.
Sumalang si Sotto sa operasyon dahilan para sumailalim ito sa ilang buwan na rehabilitasyon para tuluyang gumaling ang kanyang injury.
At sa kanyang pagbabalik, tiniyak ni Sotto na muling magbabalik ang bangis nito tulad ng mga nakalipas na laro nito.
Magandang balita rin ito para sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) dahil makalalaro na si Sotto sa mga susunod na laban ng Gilas Pilipinas.
Partikular na rito ang FIBA World Cup Asian Qualifiers kung saan matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas sa second window laban sa powerhouse teams Australia at New Zealand.