• February 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kahit nakatutok sa pagpapalago sa ekonomiya: PBBM, hindi nawala ang interes na papanagutin ang mga dapat na managot sa flood control mess

HINDI nawawalan ng interes si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na papanagutin ang sinuman na dapat na managot kaugnay sa flood control mess.
Itinatwa ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tinututukan lamang ng Pangulo ang ekonomiya dahil sa sobrang ingay na nagaganap sa bansa matapos buksan ng huli ang isyu sa paggamit ng maanomalyang flood control projects o paggamit ng pondo at pag-aabuso dito.
“Dahil kung galit po ang mga Pilipino sa korapsiyon, lalo pong mas galit ang ating Pangulo. At kailangan lang pong tutukan, move forward; ang sabi nga ng Pangulo, siya po ay tututok sa ekonomiya para naman po sa iba pa nating mga kababayan na hindi naman puro pulitika lang ang pinag-iisipan,” ang sinabi ni Castro.
Nagpahayag kasi ng pangamba ang ilan sa tila nawalan na nga talaga ng interes ang Pangulo na ipakulong ang mga sangkot sa maanomalyang flood control dahil sa pag-divert ng attention sa ibang problema ng bansa gaya ng ekonomiya.
Samantala, hindi pa tapos si Pangulong Marcos na repasuhin ang report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), dahil sa sobrang haba ng dokumento.
“Sa ngayon po ay hindi pa po tayo nabibigyan ng update kung natapos na pong mabasa dahil sa ating pagkakaalam ay medyo mahaba-haba po ang report ng ICI,” ani Castro. ( Daris Jose)