• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:43 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kahit late na, puwede pang humirit ng lima: JASON, inamin na walang kapantay ang pagiging ama

NAKATSIKAHAN namin si Jason Abalos sa birthday celebration ng owner ng Artista Salon na si Gio Anthony Medina kasama ang partners na sina Margaret Gaw at Lotis Reyes na matatagpuan sa Panay Avenue, Quezon City.
Kasamang dumating ni Jason ang asawa na si Vickie Rushton at anak na si Knoa Alexander na 2 years and 1 month old.
Sobrang happy raw siya sa pagiging ama, “Napakasarap po, walang kapantay ang pagiging magulang.
“Sabi ko nga, medyo late na ako, pero kaya pa naman, kahit lima pang anak.
Masarap maging mabuting tao, kasi gusto ko ‘pag lumaki s’ya, sasabihin ko sa kanya, ‘Ang tatay mo, mabuting tao.’”
Anyway, muli ngang nahalal si Jason bilang provincial board member sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Kaya natanong siya tungkol sa flood control projects, wala raw siyang kinalaman tungkol dito dahil hindi dumadaan sa kanya.
“Wala kayong makukuhang sagot sa akin. Nakakainggit nga, eh. Hahaha!” pahayag pa ni Jason.
Weekends lang pala siya umuuwi sa Quezon City dahil dito nakatira ang kanyang mag-ina. Limang araw siyang nagtatrabaho sa Nueva Ecija para tuparin ang kanyang tungkulin.
Isinisingit din niya ang pag-aartista, na ngayon ay naghihintay pa siya ng projects mula sa GMA-7.
“Time management lang,” sagot ni Jason sa kanyang ginagawa.
“Mahirap ngayon kasi may anak na rin ako, so kailangan ko talagang bantayan kasi importante ang pamilya ko.
“So siyempre ‘yung tiwala ng tao, mahirap na hindi pagbigyan ang nararapat na para sa kanila.”
Dagdag pa niya, “Sa mga may inquiries, kay Nanay (Gio) lahat.”
Ayon naman sa kanyang manager, may paparating daw na movies na gagawin si Jason this year, na dapat abangan.

***
MTRCB, opisyal na inilunsad ang Mobile App

ILANG araw bago ang ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag nito, opisyal na inilunsad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto, ang “MTRCB Mobile Application”–isang makabagong inisyatiba na layong ilapit pang lalo ang mga serbisyo ng Ahensya sa sambayanang Pilipino.
Ang MTRCB Mobile App ay nagsisilbing one-stop platform at napakadali lang gamitin. Nagbibigay ito ng eksaktong impormasyon ukol sa mga pelikula at programang pantelebisyon na nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB, pati na rin ng iba pang kaugnay na materyales.
Maaari ring makita ang listahan ng mga sinehang nakarehistro sa MTRCB, TV network, at gabay sa mga programa sa telebisyon.
Bukod dito, tampok din sa app ang mga napapanahong update tungkol sa mga gawain ng MTRCB gaya ng balita, anunsyo, mga kaganapan at mga lathalain. Nagsisilbi rin itong portal para sa pagsusumite ng mga komento, puna at ulat na may kinalaman sa mga pelikula at programang pantelebisyon.
“Sa modernong panahon, patuloy ang ginagawang hakbang ng MTRCB para mapalapit sa publiko ang mga serbisyo ng ating Ahensya,” sabi ni Sotto. “Ang inisyatiba ay sumasalamin sa ating layunin na gawing mas mabilis, mas maayos at mas user-friendly ang reporting ng publiko sa kanilang napapanood sa telebisyon at sinehan.”
Ipinapakita ng inisyatibong ito ang patuloy na pagsusumikap ng MTRCB na makasabay sa takbo ng modernong panahon sa pamamagitan ng pagpapatibay ng kampanya para sa responsableng panonood at ng mas epektibong pagbibigay ng serbisyo publiko gamit ang teknolohiya.
Makikita rin sa naturang aplikasyon ang mahahalagang impormasyon hinggil sa Ahensya—kabilang ang mga opisyal nito, bisyon at misyon, quality policy, social media accounts, inilathalang infomercials, mga patnubay sa klasipikasyon at iba pang impormasyon.
Ang MTRCB Mobile App ay maaari nang i-download nang libre sa Google Play Store at App Store. I-type lang ang salitang “MTRCB.” Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa MTRCB Mobile App, panoorin ang walkthrough nito sa YouTube channel ng MTRCB, @MTRCBGov.

(ROHN ROMULO)