Kaabang-abang ang maglalaban sa major awards…Nominees reveal ng ’The 9th EDDYS’, streaming sa YouTube ng Playtime Entertainment (ni: ROHN ROMULO)
- Published on June 25, 2026
- by Francis Paolo Torres
HABANG papalapit ang 9th Entertainment Editors’ Choice, na mas kilala bilang The Eddys, mas nagiging kapana-panabik ang magaganap na malaking pagtitipon sa ika-5 ng Hulyo sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City.
Opisyal nang ilalahad ngayong Hunyo 25, 2026 ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang mga nominado para sa The 9th EDDYS na gaganapin Cedar Function Room ng Luxent Hotel sa Quezon City.
Magsisimula ang pag-aanunsiyo ng mga nominado sa ganap na alas-dos nang hapon at mapapanood ito nang live sa PlayTime Entertainment YouTube channel, na magbibigay-daan sa mga tagahanga ng pelikula at mga tagasubaybay ng industriya sa buong bansa na masaksihan ang mga napiling maglalaban-laban ngayong taon para sa mga pangunahing parangal na kumikilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino.
Ang SPEEd member na si Jun Lalin ng Abante ang magho-host ng programa at naatasang magpakilala sa mga natitirang bahagi ng entertainment editors’ group, sa pangunguna ni Pangulong Tessa Mauricio-Arriola ng The Manila Times, na mag-aanunsiyo ng mga nominado sa labing-apat na kategorya ng kompetisyon.
Makakasama sa nominees reveal ang mga bida ng upcoming thriller film na “Mantsa” na sina Shira Tweg at Khai Flores para ianunsiyo ang mga nominado para sa apat na major awards: Best Actor, Best Actress, Best Director at Best Picture.
Hahandugan naman ng awitin ng singer na si Isha Ponti ang mga manonood sa live streaming.
“Ang nominees reveal ay isa sa mga pinakaaabangang bahagi ng The EDDYS dahil ito ay paunang pagbibigay-halaga sa mga pelikula, mga artista at mga malikhaing talento na tumulong sa paghubog ng sinehan sa Pilipinas noong nakaraang taon,” sabi ni Mauricio-Arriola.
“Inaasahan naming ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay at ibahagi ang kapana-panabik na sandaling ito sa mga tagahanga ng pelikula sa lahat ng dako.”
Ang PlayTime Entertainment ang katuwang ng SPEEd upang mas maging malawak ang maabot na audience. Sila ang mag-i-stream nang live sa programa sa kanilang YouTube channel.
Ang PlayTime Entertainment ay isang multi-platform entertainment company na nakikibahagi sa paggawa ng content, pagbuo ng talento, mga live na karanasan, at mga inisyatiba sa pakikipag-ugnayan ng madla na sumusuporta at nagdiriwang ng talentong Pilipino.
Pangungunahan nina Concert Queen Pops Fernandez at TV host-broadcaster na si Kim Atienza, ang star-studded ceremony ng 9th EDDYS ay magbibigay-parangal sa tagumpay ng Philippine cinema sa nakalipas na taon habang pinagsasama-sama ang ilan sa mga pinakamalalaking bituin, filmmakers at creative talents ng industriya.
Taun-taon na inoorganisa ng SPEEd, ang The EDDYS ay nananatiling isa sa mga pinaka-respetadong award-giving bodies sa bansa na nakatuon sa pagkilala sa kahusayan sa paggawa ng pelikulang Pilipino.
Ang 9th Entertainment Editors’ Choice ay nabuo mula sa suporta ng Newport World Resorts, PlayTime Entertainment at Echo Jham Productions; kasama ang Gold Sponsors Globe Telecom at Unilab Inc.; Silver Sponsors SoundCheck Inc. at Puregold CinePanalo Film Festival; habang major sponsors ang Luxent Hotel, Beautéderm Corporation at La Playa.