Justice Sec Remulla, maghahain ng mosyon sa reklamo ni Sen Imee sa Ombudsman
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita
MAGHAHAIN ng mosyon si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa nakabinbing reklamo laban sa kanya na inihain ni Senator Imee Marcos.
Ito ay kasunod sa reklamo ng senadora sa Ombudsman kaugnay ng pag-areto at paglilipat sa International Criminal Court o ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“I’ll be filing a motion to resolve it asap,” sabi ni Remulla sa isang panayam matapos ang kanyang Judicial and Bar Council (JBC) interview para sa posisyon ng Ombudsman.
Ayon kay Remulla, isinagawa ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa The Hague upang mapanatili ang katatagan ng bansa at maiwasan ang anumang karahasan o hindi kanais-nais na pangyayari.
“I think we were able to peacefully bring him out abroad to face the charges against him without hurting anybody physically,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Marcos na may sapat na batayan upang panagutin si Remulla sa usurpation of judicial functions sa ilalim ng Article 241 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at sa kasong administratibo ng Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Samantala, sa isang press conference, sinabi ni Sen. Imee na plano niyang maghain ng opposition paper sa JBC para kontrahin ang aplikasyon ni Remulla bilang Ombudsman.
Sinabi pa ni Sen.Imee, sakaling mapili bilang Ombudsman si Remulla, klarong-klaro aniya na may conflict of interest.
Hinalimbawa pa ng senadora sakaling maupo si Remulla ay magiging in-effective na ang mga kaso sa PRRD arrest.
Bukod dito, iginiit ni Sen.Imee na target iluklok ng administrasyon si Remulla sa posisyon bilang Ombudsman para maisakatuparan ang ilang plano laban kay VP Sara Duterte at iba pang personalidad. (Gene Adsuara)