Isko pinarangalan natatanging Manileño sa Gawad Manileño 2026
- Published on June 23, 2026
- by Francis Paolo Torres
BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila, binigyang-pugay ng pamahalaang lungsod ang mga natatanging Manileño na nagbigay ng mahalagang ambag sa pag-unlad ng lungsod sa pamamagitan ng Gawad Manileño.
Ang parangal ay iginawad sa mga indibidwal na nagpakita ng kahusayan, dedikasyon, at malasakit sa kanilang larangan, kabilang ang edukasyon, pampublikong kalusugan, socio-civic na gawain, kultura at sining, mass media, palakasan, kapakanan at pagpapaunlad ng kabataan, at pangangalaga sa kalikasan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ang mga pinarangalan ay sumasalamin sa tunay na diwa ng pagiging Manileño — matatag, masipag, at handang maglingkod para sa kapakanan ng kapwa.
Ayon kay Domagoso, ang Gawad Manileño ay hindi lamang tropeo o sertipiko kundi isang mataas na pagkilala sa mga taong nag-aambag sa pag-unlad ng lungsod at nagsisilbing inspirasyon sa kapwa.
“Ang tunay na sukatan ng tagumpay ng isang lungsod ay hindi lamang nakikita sa mga gusali at imprastraktura nito kundi sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan nito,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang kadakilaan ng Maynila ay nakasalalay sa mga mamamayang araw-araw na nagsisikap, nagmamalasakit, at naglilingkod sa kapwa.