ISKO NAGPASALAMAT KAY PBBM SA SUPORTA SA PLM ALLLIED HEALTH SCIENCES BUILDING
- Published on February 9, 2026
- by @peoplesbalita
NAGPASALAMAT si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa suporta ng pambansang pamahalaan sa pagtatayo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Allied Health Sciences Building, kasabay ng groundbreaking ceremony sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center complex noong Pebrero 6.
“Ginoong Pangulo, ako’y taos-pusong nagpapasalamat sa inyo sa patuloy na pagtulong niyo at suporta sa pamahalaang lokal. Hindi lang sa Maynila, kundi sa buong bansa. Maraming-maraming salamat po, Mr. President,” ayon kay Isko
Ayon kay Moreno, kaakibat ng proyekto ang layunin ng administrasyon na palakasin ang serbisyong pangkalusugan at palawakin ang bilang ng mga medical at allied health professionals sa pamamagitan ng hospital-based education na nakatuon sa public service. Tiniyak din niya na matatapos ang gusali ayon sa iskedyul, batay sa rekord ng Maynila sa pagtapos ng malalaking proyekto kahit noong pandemya.
Binigyang-diin ng alkalde ang matatag na akademikong performance ng PLM, kabilang ang mataas na passing rates at mga topnotcher sa licensure exams ng Medisina, Nursing, at Physical Therapy. Aniya, ang bagong gusali ay magpapalawak ng kapasidad ng PLM mula sa humigit-kumulang 300 mag-aaral kada taon tungo sa libo-libong bagong health professionals para sa bansa.
Pinuri rin ni Moreno ang mga patakaran ng pamahalaan gaya ng zero billing at pinalawak na PhilHealth coverage, na aniya’y nagpapalakas sa kakayahan ng LGUs na maghatid ng serbisyong pangkalusugan. Nangako ang lungsod na patuloy na mag-iinvest sa pasilidad, kagamitan, at edukasyon upang makapaghatid ng dekalidad at abot-kayang healthcare para sa mamamayan (Gene Adsuara)