Isinulat talaga ni Direk Nijel para sa kanya: ‘Hot Maria Clara’ ni SANYA, nag-number one na sa music charts
- Published on June 16, 2025
- by @peoplesbalita
MARAMING nakikilala si Direk Nijel de Mesa bilang isang kilalang award-winning na direktor sa larangan ng pelikula.Ngunit kamakailan lamang, nagulat ang marami nang mapansin na ang kanyang kantang “Hot Maria Clara” ay naging isa sa pinaka-viral na kanta sa internet, radyo, at telebisyon.
Pagkalipas ng tatlong taon mula nang ito ay inilabas, biglang nagsimulang umakyat sa ‘number one’ ng mga music charts ng Spotify ang “Hot Maria Clara,” kasabay ng mga sikat na kanta gaya ng “Dunka” ng SB19, “Don’t Say You Love Me” ni Jin ng BTS, at “Multo” ng Cup of Joe.
Ang kantang ito ay isinulat niya para kay Sanya Lopez at GMA Music.
“Lubos ang aking pasasalamat kina Ms. Annette Gozon-Valdes at Ms. Tracy Garcia ng Sparkle sa pagkakataong ibinigay nila para mabuo ang kolaborasyon na ito.
“Hindi rin mawawala ang pasasalamat ko kina boss Rene, Sir Kedy, at Ma’am Michelle ng GMA Music at syempre kay Paulo Agudelo na music producer namin,” pahayag ni Direk Nijel.
Bukod sa “Hot Maria Clara,” nakilala rin si Direk Nijel sa paggawa ng mga kanta tulad ng “Missed You” ni Sam Concepcion, “Itigil Mo Na” ni Bianca Umali, at “Sadly Falling” ni Hannah Precillas.
Ngunit nang tanungin kung bakit pinili niya ang paksa ng “Hot Maria Clara” para kay Sanya, ani niya, “Si Sanya kasi ay sumasalamin sa makabagong Pilipina, na kahit sexy ay hindi nangangahulugang malaswa.
“Yung tipo nang babae na may lakas ng loob. Yung tipong may gravitas habang nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataan.”
Talagang umiinit muli ang karera ni Direk Nijel sa industriya ng musika. Matagal na rin siyang nagsilbi bilang Board Member ng FILSCAP at naging punong organisador ng mga Independent Musicians sa Pilipinas bago pumasok sa mundo ng pelikula.
Kasalukuyan, patok na patok ang kanyang nationalistic single na “Mahalin Natin Ang Pilipinas,” na madalas niyang awitin sa mga live events, kung saan palagi siyang nabibigyan ng standing ovation.
Sa tanong kung alin ang mas mahalaga sa kanya—musika o pelikula—sagot niya: “Pareho silang mahalaga, ngunit ang Diyos ang nagsasabi kung saan ako nararapat. Salamat sa Diyos sa tagumpay na ito.
“Salamat din sa mahal kong pamilya, mga bumubuo ng NDMstudios, kay Ms. Jan, at sa aking ina na walang sawang sumusuporta.”
(ROHN ROMULO)