• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Internet access, hindi na isang pribilehiyo kundi isang pangangailangan-PBBM

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagkakaroon ng maaasahang internet access ay hindi na isang pribilehiyo kundi isang pangangailangan.

Inihayag ito ng Pangulo sa isinagawang grand launch ng National Fiber Backbone Phases 2 at 3 sa Leyte province.

”Dahil sa panahon ngayon, hindi na privilege ang pagkakaroon ng access sa mabilis na internet, ito ay pangangailangan na. Kailangan ito sa pag-aaral, sa trabaho, sa negosyo at para mapanatili ang koneksyon sa mga mahal sa buhay,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.

Matatandaang, nangako si Pangulong Marcos na gagawin ng gobyerno ang lahat, upang magkakaroon ng internet connectivity ang lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa, bago matapos ang 2025.

Hangad naman ng National Fiber Backbone (NFB) project na lumikha ng malakas at ligtas na fiber optic network na saklaw ang buong bansa.

Nagsisilbi bilang ‘backbone’ o gulugod para paghusayin ang internet connectivity, puntirya nito ang mas mabilis, mas maaasahan at ‘fully digitalized services’ para sa lahat ng mga Pinoy.

Samantala, nakahanda naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawigin ang naabot ng NFB mula Northern Luzon tungo sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng NFB Phases 2 at 3. (Daris Jose)