PBBM, hindi magpapalabas ng ‘unverified list’ ng mga nasa likod ng flood control mess- Malakanyang
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
HINDI magpapalabas si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng hindi beripikadong listahan ng sinasabing nasa likod ng substandard flood control projects sa bansa.
Ito’y matapos na tawagan ng pansin ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima si Pangulong Marcos na pangalanan, litisin at panagutin ang mga sangkot sa flood control corruption.
“Hindi puwedeng ‘mahiya naman kayo.’ Kung palpak ang proyekto at nalulusaw ang pondo, may dapat managot,” ang sinabi ni De Lima sa kanyang privilege speech, araw ng Lunes.
“Don’t threaten us with a re-enacted budget. Kung babalik lang din tayo sa parehong budget insertions… eh ‘di parang sinabing: Mahiya naman tayo pero tuloy pa rin ang ligaya,” aniya pa rin.
Bilang tugon, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi gagamit ang Pangulo ng pagbabanta o kaya naman ay unverified list habang isinasagawa ang imbestigasyon.
“Hindi po gagayahin ng Pangulo ang anumang klase ng pag-threaten lamang. Hindi po siya maglalabas ng anumang mga listahan na hindi verified. Kung nangyayari man ito sa mga nakaraang administrasyon, hindi po gagawin ng Pangulo ‘yan,” ang sinabi ni Castro sa press briefing sa New Delhi, India, kung saan si Pangulong Marcos ay nasa kanyang state visit.
Sa pinakabagong episode ng kanyang podcast, sinabi ni Pangulong Marcos na may ilang indibidwal at korporasyon ang sangkot sa corrupt schemes sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang natukoy, sa kalaunan ay iba-blacklist mula sa government projects.
Hindi naman pinangalanan ni Pangulong Marcos ang mga kontratista, kung saan sa kalaunan ay sasampahan ng reklamo laban sa mga tao at kompanya na nag-deliver ng substandard projects.
Tiniyak naman ni Castro na hahabulin ng gobyerno ang mga ‘unscrupulous individuals at kanilang kasabwat’ na nasa likod ng nabigong flood control projects sa oras na matapos na ang imbestigasyon.
“Mahirap po kasi na mag pabilis-bilis lang po, yung padalos-dalos sa kilos na mali pala at baka meron tayong inosenteng masabit at maapektuhan. So dapat po verified lahat ang facts at pananagutin po ang dapat managot. At yan po ang gusto ng Pangulo,” ang sinabi ni Castro.
Sinabi pa rin ni Castro na ang imbestigasyon ay hindi lamang magiging limitado sa maanomalyang flood control projects.
Kaya nga hinikayat ni Castro ang publiko na mag-report ng maanomalyang infrastructure projects sa kanilang lokalidad para maisama ang mga ito sa gagawing paga-audit.
“Kung meron po kayo nalalaman na mga anomalya na nagaganap sa inyong mga syudad, sa inyong mga munisipyo, sabihin nyo lamang po para ito ay ma-imbestigahan,” ang winika ni Castro. ( Daris Jose)