• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 2:16 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Independent fact finding body na mag-iimbestiga sa flood control projects

IPINANUKALA ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na isang independent fact-finding body, ang ‘Task Force Bantay-Baha, Bantay-Kaban,’ ang siyang magsagawa ng imbestigasyon sa alegasyon ng korupsyon at ghost flood control projects na inihayag ni Presidente Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at ituloy ang site inspection.
Hindi lang dismayado kundi galit ang pangulo sa panibagong ghost flood control project na nadiskubre sa Baliuag, Bulacan.
“Katulad ng Pangulo, galit na galit ang bawat manggagawang Pilipino. Habang pilit nilang pinagkakasya ang pang-araw-araw na budget dahil sa kakarampot na sahod, ang pambansang budget naman na galing sa buwis na kinakaltas sa kanilang sahod ay hayagang nilulustay, ninanakaw, at ginagawang negosyo ng mga tiwali,” ani TUCP General Secretary Arnel Dolendo.
Ang mas masakit aniya ay ang milyun-milyong manggagawa na lubog na nga sa pagdurusa dahil sa barya-baryang umento at walang katapusang ENDO at sila pa ang laging lubog sa baha.
“Araw-araw nilang nilulusong ang baha at panganib ng leptospirosis, makapasok lang sa trabaho at makauwi lang sa kanilang tahanan. Sa halip na pagtuunan ng serbisyo publiko ang kalayaan mula sa kahirapan at kagutuman, pinapahamak sila ng katiwalian,” pahayag nito.
Una ng inihayag ni House Majority Leader Rep. Sandro Marcos (1st District, Ilocos Norte) na wala siyang nakikitang masama sa panukalang independent probe sa flood control project controversy kung makakatulong sa pagkakaroon ng transparency at accountability.
Sa pamamagitan ng isang independent fact-finding body na binubuo ng expert at sectoral representation, kabilang na ang labor, na agad magiimbestiga sa lahat ng aspeto flood control controversy, ay agad na matatanggalan ng maskara at matukoy ang dapat managot sa isyu. (Vina de Guzman)