Indemnity agreement, hindi lang para sa Pilipinas kundi pambuong mundong kasunduan-Malakanyang
- Published on February 23, 2021
- by @peoplesbalita
ITINANGGI ng Malakanyang na tanging ang Pilipinas lang ang bansa na hinihingan ng mga vaccine manufacturers ng indemnification agreement.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, walang katotohanan ang naturang impormasyon at nakasaad aniya sa COVAX Facility na sadyang kailangang magkaroon ng kasunduan sa panig ng COVAX, mga gumagawa ng mga bakuna at ng mga bibigyan ng COVAX na talagang kinakailangang magkaroon ng indemnity agreement.
Ito ang pagbibigay ng danyos na babalikatin ng pamahalaan at hindi ng manufacturer sakali’t makitaan ng side effect ang isang nabakunahan.
“Nakasaad po iyan sa COVAX Facility na kinakailangan magkaroon ng ganiyang kasunduan sa panig ng COVAX, ng mga gumagawa ng mga bakuna at ng mga bibigyan ng COVAX ‘no, na talagang kinakailangan magkakaroon ng indemnity agreement na magbibigay ng danyos kapag mayroong side effect ay iyong gobyerno at hindi po iyong manufacturer ‘no. Bagama’t talaga pong mas maingat sila pagdating sa Pilipinas dahil sa karanasan nila sa Dengvaxia,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Aniya, mas maingat ang mga manufacturers pagdating sa Pilipinas dahil sa naging kontrobersiya tungkol sa Dengvaxia na bagama’t nabigyan ng General Use Authorization ay naharap ang Sanofi sa mga iba’t ibang mga kaso na kumalat sa mga drug manufacturers sa buong mundo.
Hindi naman nila maaalis sa mga multinational pharmaceutical companies na gumagawa ng bakuna na maging mas maingat pagdating sa Pilipinas.
“Alam nyo naman iyong mga drug manufacturers na iyan… eh hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ‘no at alam nila iyong naging karanasan ng Sanofi dito sa Pilipinas sa Dengvaxia na bagama’t ito ay given General Use Authorization eh nakaharap sila sa mga iba’t ibang mga kaso ‘no. Bagama’t na hindi lang po FDA ng Pilipinas ang nagsabi na General Use Authorization na iyan kung hindi pati na po ang WHO ‘no.
So siyempre hindi natin maaalis sa mga multinational pharmaceutical companies na gumagawa ng bakuna na maging mas maingat pagdating sa Pilipinas,” ayon kay Sec. Roque. (Daris Jose)