INARESTONG OPISYAL NG DPWH, WALANG SPECIAL TREATMENT
- Published on November 25, 2025
- by @peoplesbalita
HINDI bibigyan ng anumang ‘special treatment’ ang mga naarestong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ang sinabi ng NBI matapos maaresto si Engr. Dennis Abagon ng DPWH MINAROPA sa kanyang bahay sa Quezon City nitong Linggo kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Binigyang-diin ito ni NBI Officer-in-charge Dir. Angelito Magno habang nananatili ito sa kanilang detention facility.
Isa si Abagon sa mga kapwa akusado ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa kinakaharap na ‘malversation case’ sa Sandiganbayan.
Ayon sa NBI , isasailalim pa sa karagdagang imbestigasyon si Abagon upang matukoy kung may pananagutan din ang ilang indibidwal na posibleng tumulong habang siya’y nagtatago.
Mananatili ang naarestong opisyal sa ‘secure detention facility’ ng NBI habang hinihintay pa ang ilalabas na kautusan mula sa korteng may hawak ng kaso.
(Gene Adsuara)