• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Impeachment complaints vs President, hindi hahadlangan ng Kamara

Impeachment complaints vs President, hindi hahadlangan ng Kamara

SINIGURO ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Norte na hindi hahadlangan at aaksyunan ng Kamara ang anumang impeachment complaint inihain laban kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. o kahit na sinumang impeachable official.

Paliwanag ni Marcos na tungkulin o duty-bound sa ilalim ng Constitution na aksyunan ang alinmang impeachment complaint na pormal na naihain sa Office of the House Secretary General at nai-transmit sa Office of the Speaker, na siya namang magre-refer sa Committee on Rules para maisama sa Order of Business at referral sa Committee on Justice.

“Tungkulin ng Kamara, sa ilalim ng Saligang Batas, na aksiyunan ang anumang impeachment complaint na ihahain laban sa sinumang impeachable official,” pahayag ni Marcos.

Bilang Majority Leader, sinabi ni Marcos na responsibilidad ng plenaryo na i-refer ang anumang impeachment complaint sa House Committee on Justice matapos itong maisama sa Calendar of Business at basahin sa plenaryo.

“May constitutional duty ang Congress to refer to the impeachment complaint sa House Committee on Justice sa sandaling ito ay mailagay sa Order of Business at mabasa sa plenaryo,” anang mambabatas.

Dagdag pa ni Marcos na dapat dinggin ng Kamara at ikunsidera ang anumang impeachment complaint, kahit na sangkot dito ang kanyang sariling ama.

“Dapat dinggin ng Kamara ang anumang isasampang impeachment complaint, kahit pa ito ay laban sa aking ama,” saad pa nito.

Sinabi nito na ang impeachment ay isang constitutional process na ginagabayan ng batas at due process, at inaasahan na aaksyunan ito ng Kamara.
(Vina de Guzman)