• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ihahain muli sa kamara.

HANDA ang Makabayan bloc na maghain muli sa Kamara ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang pinal na desisyon ng Korte Suprema sa nasabing reklamo.
Reaksyon ito nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Renee Louise Co matapos lumabas ang pinal na En Banc decision ng SC sa Motion for Reconsideration na inihain ng Kamara sa naunang desisyon ng korte na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay VP Duterte.
Sa kabila ng desisyon ng SC, naniniwala ang mga mambabatas na ang mga isyu sa impeachment complaint laban sa bise kabilang na ang alegasyon ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang high crimes ay nananatiling balido at kailangang sagutin sa kaukulang constitutional na proseso.

Handa na anila ang Makabayan bloc na irefile ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte dahil kinakailangan at para na rin sa interes ng sambayanang Pilipino.

Anila, dapat managot umano ang VP sa kanyang mga naging aksyon.

Kasama na rito ang usapin ng confidential funds scandal, umano’y misuse of public resources, at pattern of abuse of authority na hindi dapat maisantabi dahil sa procedural technicalities.

“The Filipino people deserve answers. They deserve accountability. And they deserve a Vice President who respects the Constitution and serves the public interest, not personal or political agendas,” anang mga mambabatas.

Patuloy ang Makabayan bloc, kasama ang mga concerned citizens at progressive organizations, sa pagsusulong ng lahat ng legal at constitutional na paraan para kaharapin ni VP Duterte ang mga akusasyon laban sa kanya.

“We call on our colleagues in Congress and all Filipinos who value accountability and good governance to support this effort,” pagtatapos ng mga ito. (Vina de Guzman)