• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

IMBESTIGASYON SA ULAT NG PANGINGIKIL, INIUTOS NI BI COMMISSIONER VIADO

INIUTOS ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang agarang imbestigasyon sa ulat ng media tungkol sa umano’y insidente ng panggigipit sa NAIA.
“Sineseryoso namin ang mga alegasyong ito,” ani Viado. “Mahigpit ang patakaran ng Kawanihan laban sa anumang uri ng maling gawain, kabilang ang paghingi ng hindi awtorisadong bayad at ang hindi tamang pagtrato sa mga dumarating na pasahero,” dagdag niya.
Ayon kay Viado, inatasan niya ang agarang pagsasagawa ng fact-finding investigation kabilang ang pagtukoy sa mga tauhang naka-duty, pati na ang pagpreserba at pagsusuri ng lahat ng CCTV footage at mga kaugnay na rekord.
“Kung susuportahan ng ebidensya ang mga alegasyong ito, hindi kami mag-aatubiling magsampa ng kaukulang kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot,” ani Viado.
Hinikayat din niya ang sinumang may direktang kaalaman sa maling gawain ng mga tauhan ng BI na lumapit at makipag-ugnayan direkta sa kanyang tanggapan upang masusing maimbestigahan ang usapin.
“Walang puwang ang pagpayag sa mga kilos na sumisira sa integridad ng aming institusyon at sa tiwala ng publiko. Tulad ng aming ginawa noon, haharapin ng mga nagkasalang tauhan ang pinakamabigat na parusa. Walang lugar ang korapsyon sa Bagong Immigration na ating sinusunod,” babala ni Viado. ( Gene Adsuara)