Imbestigasyon sa mga flood control projects, supurtado ni Tiangco
- Published on July 30, 2025
- by @peoplesbalita
SUPORTADO ni Navotas City Congressman Toby Tiangco ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na imbestigahan ang hinggil sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Sinabi ni Tiangco na ang pinakagusto niya sa naging pahayag ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA), ay ang “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino. Mahiya naman kayo sa mga kababayan nating naanod o nalubog sa baha. Mahiya naman kayo sa mga anak nating magmamana sa mga utang ba ginawa nyo,”.
Aniya, panahon na para panagutin ang mga tiwaling nakinabang at pinagkakitaan ang mga proyektong dapat sana ay para sa ating mga kababayan.
Dapat din aniyang singilin ang mga kawani ng pamahalaan na sangkot sa mga palpak at substandard na proyekto.
“Maliwanag ang mensahe ng pangulo, kailangang labanan ang korapsyon sa pamahalaan at kailangang bantayan ang budget ng bayan para masigurong walang sikretong sinisingit na mga items (budget insertions) na hindi naman kabilang sa plano at programa ng pamahalaan,” ani Tiangco. (Richard Mesa)