Ikinagulat din ni Direk Brillante ang pagsikat: COCO, walang character kaya gustong maglagay ng ‘scar’ sa mukha
- Published on March 28, 2023
- by @peoplesbalita
UNANG pelikula ni Brillante Mendoza bilang direktor ang “Masahista” na first lead role naman ni Coco Martin noong 2005.Pero si Coco ay umiba ng landas at napunta sa mainstream movies at series. Si Direk Brillante ay nanatili sa paggawa ng indie film at itinuturing na pinakamahusay na indie film director ng kanyang henerasyon.
Ano ang masasabi ni Brillante na si Coco ay isa na ngayong certified male Superstar ng Pilipinas?
“Well siyempre masaya ako para sa kanya. Siyempre iba naman yung ano niya tsaka iba rin yung success niya. Kumbaga dun sa choice niya, dun sa field na tinahak niya, hindi siya nabigo.
“Naging successful siya.”
Hindi raw niya naisip na habang ginagawa nila ang ‘Masahista’, na darating ang araw na magiging sikat na sikat si Coco at ganun din ang aktor.
Aminado si Brillante na ikinagulat niya ang pagsikat nang husto ni Coco.
“Oo kasi di ba there was a point na parang di ba, sobrang ano na yan, sobrang desperate, meron pa kaming mga, ito nakakatawa, e.
“Sabi niya, ‘Kasi ang itsura ko mukha kasi akong Sto. Niño, e! Wala akong character.’
“Sabi niyang ganun. ‘Ano kaya mag-ano ako,’ sabi niya, ‘maglagay ng scar.’
“Guguhitan daw niya yung dito niya [malapit sa may ilong] para magkasugat siya, para magkaroon ng scar ang mukha niya para magkaroon ng character. Parang kay Jake Cuenca, yung ganun.
“May mga ganun-ganun siya nun, ‘kasi parang wala akong dating,’ sabi niyang ganun.”
Sa mga panayam kay Coco ay lagi nitong sinasabi na lumaki siya kay Brillante.
“Siyempre natutuwa naman ako di ba, na hanggang ngayon e ano pa rin siya, tsaka parang wala namang nagbago kay Coco.”
Sabi pa ni Brillante, “Tsaka kung bakit narating niya yung narating niya ngayon kasi walang nagbago sa kanya. Tsaka ang maganda sa kanya, hindi lang sa akin ha, sa lahat ng mga nakatrabaho namin, sa mga artista, binibigyan niya talaga ng opportunity.
“At tsaka marami rin tayong hindi alam sa industry sa mga taong natutulungan niya.
“Ang dami niyang natutulungang mga tao na hindi niya talaga sinasabi. In public.”
Samantala, nasa “Masahista” rin noon si Jaclyn Jose kaya naman maituturing na reunion film nina Brillante, Coco at Jaclyn ang “Apag” na entry sa first Metro Manila Summer Film Festival sa darating na April 8 hanggang April 18.
Hango raw sa tunay na buhay ang istorya na tungkol sa mag-amang nasangkot sa isang aksidente.
Ipapakita rin sa pelikula ang mga iba-ibang uri ng pagkain mula sa lalawigan ng Pampanga.
Nasa “Apag” din sina Lito Lapid, Gladys Reyes, Mercedes Cabral, Julio Diaz at si Gina Pareño.
Mula ito sa Center Stage Productions at Hong Kong International Film Festival Society Produced at panulat ni Arianna Martinez. Isa rin sa mga producer ng pelikula si Brillante.
(ROMMEL L. GONZALES)