Iginiit ng Malakanyang: Pinas, ligtas sa mga dayuhang estudyante matapos na magpalabas ng ‘study abroad alert’ ang Tsina
- Published on July 21, 2025
- by @peoplesbalita
IGINIIT ng Malakanyang na nananatiling ligtas ang bansa para sa mga dayuhang estudyante.
Ito’y sa kabila ng kinikilala at tanggap ng Pilipinas ang karapatan ng Tsina na magpalabas ng security alert para sa mga Chinese students kung saan kinokonsidera na mag-aral sa Pilipinas.
Tinukoy ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro ang bumababang crime rate, kabilang na ang mga krimen na may kaugnayan sa war on drugs at operasyon ng Philippine Offshore Gaming operators (POGO).
“Ang kanilang advisory sa kanilang mga kababayan ay karapatan naman po nila. Obligasyon din naman po nilang pangalagaan ang kanilang mga kababayan,” ang sinabi ni Castro.
“Pero as far as the government is concerned, alam po natin na ang crime rate sa Pilipinas ay gumaganda at bumababa,” dagdag na wika nito.
Tinukoy din ni Castro ang mas mabilis na pagtugon ng kapulisan sa mga alalahanin ng mga mamamayan sa krimen.
Binigyang diin din ni Castro ang mga krimen na iniuugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon ay “decreased or disappeared,” at maging ang krimen na iniuugnay sa POGOs.
“A number of Chinese nationals, who were involved in the operations of POGO in the country, have also been deported,” ani Castro.
Gayundin, tinukoy din ni Castro ang naging ranking ng bansa sa 2025 Global Peace Index, na “indicates that safety and security in the Philippines is getting better—as far as we are concerned.”
“So ang pananaw po ng China ay ganun, hindi naman po natin ito hahadlangan dahil karapatan po nila ‘yan,” aniya pa rin.
Samantala, tiniyak din ni Castro na “everyone, not just Chinese nationals, will be given protection” habang ang mga ito ay nasa bansa.
Nauna rito, naglabas ng safety advisory ang gobyerno ng China kaugnay ng umano’y lumalalang sitwasyong panseguridad sa Pilipinas.
Ayon sa Ministry of Education ng China, pinayuhan ang mga estudyanteng balak mag-aral sa bansa na suriing maigi ang mga posibleng panganib at magdoble-ingat.
Kasunod daw ito ng mga naiulat na insidente ng krimen, kamakailan na kinasasangkutan ng ilang Chinese nationals.
Sa ngayon, wala pang pormal na tugon mula sa gobyerno ng Pilipinas tungkol sa advisory ng China. (Daris Jose)