• May 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ICC warrant vs Bato, ipatupad na

WELCOME news sa Makabayan bloc ang desisyon ng Supreme Court En Banc nitong Miyerkules (Mayo 20) na tanggihan ang kahilingan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na temporary restraining order at status quo ante order para ipatigil ang pag-aresto sa kanya base sa ipinalabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Sa isinagawang special session ng SC, bumoto ito ng 9-5-1 para sa G.R. No. 278747 Rodrigo Roa Duterte and Senator Ronald Bato M. Dela Rosa v. Hon. Lucas Bersamin, et al.,

Ayon kina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co, importante ang naging ruling ng SC.

“It affirms that attempts to block arrest through last-minute petitions and technical maneuvers should not be used to frustrate justice. It also exposes the claim pushed by Duterte allies that a local Philippine court warrant is required as a precondition for arrest as a mere dilatory tactic designed to buy time for escape and evade responsibility. Palusot lang ito para makalusot at makapagtago. Hustisya ang hinaharang, hindi karapatan ng ipinagtatanggol,” anang mga mambabatas.

Nanawagan naman ang mga ito sa administrasyong Marcos at kaukulang ahensiya na nakasulat sa petition, kabilang na ang Department of the Interior and Local Government, Department of Foreign Affairs, Department of Justice, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group, na agad tuparin ang kanilang obligasyon at siguruhin na maisilbi agad ang warrant.

Muli rin silang umapela kay Senador dela Rosa na sumuko at harapin ang kaso laban sa kanya sa ICC.

Hindi anila siya makakatago pa sa likod ng ‘political privilege, manufactured legal confusion, or the networks of impunity’ na nagprotekta sa madugong drug war.

Ang isang public official na tumulong sa pagpapatupad ng polisiya na nagresulta sa mass killings ay hindi maaaring humingi ng special treatment kung kailangan na niyang managot.

“Hindi dapat pinapabayaan ang mga pamilya ng biktima na muling mabigo. Hindi puwedeng ang taumbayan ang laging pinagdurusahan habang ang mga nasa kapangyarihan ay nakakatakas,” pahayag ng mga mambabatas.(Vina de Guzman)