ICC pinagbawalan ang mag-anak na Duterte, ‘no more updates’ ukol kay Digong Duterte mula sa detention center
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita
PINAGBAWALAN na ng detention unit ng International Criminal Court’s (ICC) ang mga bisita ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte mula sa pagbibigay ng public updates hinggil sa sitwasyon sa loob ng pasilidad.
Sinabi ni Vice President Sara Duterte na pinayagan lamang siyang kumpirmahin na maayos ang kalagayan ng kanyang ama.
“So, from now on, bawal ikuwento kung ano yung mga nangyari sa loob at ano yung mga pinag-usapan sa loob,” ang sinabi ni VP Sara kay dating presidential spokesman Harry Roque sa isang panayam.
“I can only say na (former) President Duterte is still alive. Yan lang po,” dagdag na pahayag ni VP Sara.
Pinaalalahanan din aniya sila ng detention unit na sundin ang kondisyon ng pagbisita.
“We are not allowed to give updates,” diing pahayag ni VP Sara.
Ang Bise-Presidente ay nasa The Hague, Netherlands mula pa noong nakaraang buwan para bisitahin ang kanyang ama kasama ang kanyang mga kapatid na sina Davao City Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte, at Veronica “Kitty” Duterte.
Ito’y matapos hilingin ni dating Pangulong Duterte na makita niya ang lahat ng kanyang mga anak ng sama-sama. ( Daris Jose)