• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ICC, ipinagpaliban ang pagdinig sa ‘confirmation of charges’ laban kay Digong Duterte

IPINAGPALIBAN ng International Criminal Court (ICC) ang pagsisimula ng pagdinig ng ‘confirmation of charges’ laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na orihinal na nakatakda bago matapos ang buwan.
Ito’y matapos na makiusap ang defense panel para sa isang ‘adjournment’ sa grounds na ang 80-taong gulang na si Digong Duterte ay hindi na akma para sa paglilitis.
Sa isang desisyon na ipinalabas, araw ng Lunes ng Pre-Trial Chamber I, kasama si Judge MarĂ­a del Socorro Flores Liera na hindi sumang-ayon, napagpasyahan na iantala ang paglilitis na dapat ay magsisimula sa Sept. 23.
Sinang-ayunan naman ng mayorya ng chamber ang limitadong pagpapaliban ay kinakailangan para mapaglaanan ng oras ang kahilingan ng defense team at iba pang kaugnay na usapin.
Idedetermina naman ang bagong petsa ng pagdinig matapos na matugunan ang usaping ito.
Sa kabilang dako, nagpalabas naman si Flores Liera ng dissenting opinion, nagsasaad na ang naging kahilingan ng depensa ay dapat na tanggihan at ang confirmation hearing ay dapat na ituloy ayon sa naka-iskedyul.
Ang pagdinig sa confirmation of charges, isang napakahalagang hakbang sa ICC proceedings, layon na idetermina kung may sapat na ebidensiya para ma- establish o mapagtibay ang substantial grounds na nagawa ng akusado sa di umano’y krimen.
Kung kumpirmado ang pagsasakdal, ang kaso ay dadalhin sa Trial Chamber para sa susunod na yugto ng paglilitis.
Sa ulat, nito lamang buwan ng Marso, inaresto at ikinulong si dating Pangulong Duterte sa bisa ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ito’y kaugnay sa kasong “crimes against humanity” na isinampa laban sa kanya matapos ang ipinatupad niyang “war on drugs” sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon sa datos ng gobyerno, tinatayang 6,000 katao ang namatay sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte, ngunit ayon sa mga human rights group ay posibleng umabot sa 20,000 ang totoong bilang ng mga napatay.
Bilang hawak na ng ICC si Duterte, siya ang unang lider mula Asya na haharap sa paglilitis sa The Hague. ( Daris Jose)