HOLDAPER, PATAY SA AWTORIDAD
- Published on June 16, 2022
- by @peoplesbalita
PATAY ang isang lalaki na suspek sa isang panghoholdap matapos na nanlaban sa awtoridad sa Malate, Maynila Lunes ng gabi.
Naisugod pa sa Ospital ng Maynila ang suspek na Inilarawan ang nakasuot ng muscle shirt at may dalang bag pack at chest bag.
Sa ulat ni Pat Errhol G. Aguila ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-10:22 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa panulukan ng Taft Avenue at Castro Street, Malate, Manila.
Nauna dito, nag-report ang biktima na si Niño Crisanto Mallari y Calabbun, 36, isang MSWD Street Educator at residente ng 2446 Camachile St., Malate, Manila sa Brgy 726, Zone 78, Dist. V, Manila na biktima siya ng pangho-holdap sa Leon Guinto corner Aragon St., Malate, Manila at tinutukan ng baril.
Inireport ni Brgy Ex O Bernard Pangan ang pangyayari sa pulisya kung saan kasama ang biktima, sumakay sa motorsiklo ng awtoridad at binagtas ang kahabaan ng panulukan ng Taft Ave., at Castro St. Malate kung saan namataan ang suspek base sa deskripsiyon ng biktima.
Tinangka ng suspek na tumakbo subalit hinabol siya ni Corporal Marlon Nobleza ng Station Intelligence Branch (SIB) ng MPD at nagpakilalang pulis subalit imbes na tumigil ay nagbunot ng baril at pinaputukan ang huli dahilan upang gumanti ito na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Narekober sa suspek ang isang kalibre 38 na baril at bala at cellphone na pagmamay-ari ng biktima na nakuha sa kanyang bulsa. (GENE ADSUARA)