• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 5:13 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Holdaper na wanted sa Valenzuela, natunton sa Antipolo

NATUNTON ng tumutugis na mga tauhan ng Valenzuela City police sa Antipolo City Jail ang kilabot na holdaper na kabilang sa “Most Wanted Person” ng Northern Police District (NPD), Sabado ng hapon.

Ani Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon na naaresto ng Antipolo Police ang 44-anyos na si alyas “ Mando” dahil din sa mga kasong panghoholdap kaya inatasan niya ang kanyang mga tauhan na puntahan ang akusado upang kilalanin at doon isilbi ang warrant of arrest na inilabas ng hukuman laban sa kanya.

Dakong alas-5:30 ng hapon nang maisilbi ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Jaime Abarrientos sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Antipolo City ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Emma C. Mattamu ng Branch 269 laban sa akusado  na residente ng Dulong Tangke St. Brgy. Malina para sa kasong robbery na may kaukulang piyansang P24,000.

Ayon kay Col. Cayaban, mananatili pa rin sa Antipolo City Jail ang akusado habang ipino-proseso ang pagsasauli ng warrant of arrest sa Valenzuela RTC matapos itong maisilbi sa kanya.

Pinapurihan naman ni NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang Valenzuela Police Station sa kanilang masigasig na pagtugis sa mga wanted na kriminal na naghahasik ng kilabot sa tahimik na pamumuhay ng mamamayan ng lungsod. (Richard Mesa)