Historical biopic, naka-set na ang worldwide release: JERICHO, proud na proud sa pagiging Pilipino dahil sa ‘Quezon’
- Published on October 16, 2025
- by @peoplesbalita
OPISYAL na inanunsyo ng TBA Studios ang global rollout ng “Quezon”, ang pinaka-aabangang Filipino historical biopic na pinagbibidahan ni Jericho Rosales at “Game of Thrones” star na si Iain Glen.
Ang pelikula ay magpe-premiere sa Pilipinas ngayong araw, Oktubre 15, na susundan ng international screening.
Mapapanood ito Australia at New Zealand sa Oktubre 30, sa North America at Canada naman sa Oktubre 31 at Middle East sa Nobyembre 20.
At mga karagdagang bansa at screening dates ay iaanunsyo sa lalong madaling panahon.
Naka-set ang backdrop ng isang bansang nasa bingit ng kalayaan, ang “Quezon” ay kasunod ng estratehikong pag-angat ni Manuel L. Quezon (Rosales) sa kapangyarihan, na nag-navigate sa matinding tunggalian at mga alyansang pampulitika upang manalo sa 1935 presidential elections.
Isinasaliksik ng pelikula ang kanyang pakikipag-away sa mga tauhan tulad nina Leonard Wood (Glen), Sergio Osmeña, at Emilio Aguinaldo, na nagpinta ng isang nakakaakit na larawan ng isang pinuno na muling humubog sa kasaysayan ng Pilipinas.
Samantala, sa naganap na matagumpay na red carpet premiere noong Oktubre 12, sa SM The Block, madamdaming binanggit ni Jericho na, “Very proud (to be Filipino) right now. Regardless, despite, I am very proud. The creatives behind me, excellente! Magaganda, mapagmahal, mapagbigay, at mababait, mga taong nagtrabaho dito.
Dagdag pa ni Echo, “It is such an important film, especially right now, I believe this is one of the most important films now. Because of its meaning. Revisiting history—the purpose of the film is a call to action, a movement.”
Kasama sa star-studded cast sina Benjamin Alves bilang batang Quezon, Mon Confiado bilang Aguinaldo, Arron Villafior at Cris Villanueva bilang Joven Hernando, Romnick Sarmenta bilang Sergio Osmeña, Karylle bilang Aurora Quezon, JC Santos, Jake Macapagal, Bodjie Pascua, Angeli Bayani, Jojit Lorenzo, Joross Ketchoa, Therese Maluses, at Anase Nico Locco.
Ini-reveal ng TBA Studios na sila ay nilapitan ng ilang mga internasyonal na distributor, kasama ng ABS-CBN International na sinisiguro ang eksklusibong mga karapatan sa pamamahagi sa “Quezon” sa mga pangunahing teritoryo sa ibang bansa.
“We’re thrilled that ‘Quezon’ will finally be seen by Filipinos around the world-and not just by the Filipino community, but also by fans of historical and political cinema,” ayon sa producer na si Daphne Chiu-Soon.
“This is a world-class production made for the big screen, and we’re proud to share this important story with a global audience.”
Sa pangunguna ng premyadong direktor na si Jerrold Tarog, minarkahan ng “Quezon” ang pagtatapos ng cinematic “Bayaniverse trilogy” ng film studio, isang serye ng mga pelikulang hango sa kasaysayan ng Pilipinas na kinabibilangan ng “Heneral Luna” noong 2015, ang pinakamataas na kinita ng historical movie of all time sa Pilipinas; at ang critically acclaimed na 2018 movie na “Goyo: The Young General.”
Ang “Quezon” ay produced ng TBA Studios, na suportado ng Film Development Council of the Philippines at CreatePHFilms.
Para sa mga update at international screening details, I-follow ang TBA Studios sa social media o bisitahin ang kanilang opisyal na website https://www.tha.ph
(ROHN ROMULO)