Hindi lang ang pangarap na Best Float ang nakuha: SYLVIA, habambuhay nilang iti-treasure ni ARJO ang FPJ Memorial Award
- Published on January 6, 2025
- by Peoples Balita

KAUSAP namin ang aktres at mega-producer na si Sylvia Sanchez nitong Bisperas ng Bagong Taon.
Gabi kami magka-Viber at nagulat kami dahil habang kausap namin si Sylvia ay naka-swimsuit ito at nagsu-swimming sa pool sa resthouse nila sa Batangas.
Sabi sa amin ng aktres, nag-swimming siya dahil gusto niyang tanggalin ang lahat ng pagod sa katawan niya bunga ng walang humpay niyang trabaho para sa ‘Topakk’ na pelikula ng kanilang Nathan Studios, na palabas pa rin sa mga sinehan ngayon bilang entry sa 50th Metro Manila Film Festival.
Masayang-masaya si Sylvia dahil natupad ang pangarap niyang magwagi bilang Best Float sa MMFF Gabi Ng Parangal nitong December 27 sa Solaire Grand Ballroom.
Ka-tie ng ‘Topakk’ sa Best Float ang ‘Uninvited’ na nagkataon namang ang Mentorque Productions producer na si Bryan Dy ay kaibigan ni Sylvia, kaya nagtatawanan sila habang in-accept ang kanilang award.
Sabi nga ni Sylvia, kung noon ay nanonood lamang siya ng parada kapag may MMFF, ngayon ay awardee na siya bilang Best Float.
Bukod dito ay nanalo rin ng Special Jury Prize ang ‘Topakk.’
Pero ang higit na ikinatuwa pa ni Sylvia ay ang pagwawagi ng movie nina Arjo Atayde ng Fernando Poe, Jr. Memorial Award.
Para sa mga hindi nakakaalam ay malapit kay Sylvia ang yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si FPJ.
Nakasama ni Sylvia si FPJ sa pelikulang ‘Minsan Pa: Kahit Konting Pagtingin 2’ at mula noon ay naging magkaibigan na sila.
At naroroon kami sa bahay nina Sylvia at mister niyang si Art Atayde sa Pasig noong pumasyal doon si FPJ two weeks bago ito pumanaw noong 2004.
Going back sa MMFF Gabi Ng Parangal, tiyempo namang galing sa comfort room si Sylvia noong tawagin ang ‘Topakk’ bilang winner ng FPJ Memorial Award kaya hindi niya narinig kung anong eksaktong award ang napanalunan.
Kaya naman noong ma-inform na si Sylvia na award na konektado kay FPJ ang nakamit nila ay halos maluha ang aktres sa tuwa.
Sayang nga lamang raw at hindi siya lubusang nakapagpasalamat at nabanggit si FPJ sa acceptance speech niya dahil hindi nga siya agad naging aware kung ano ang award dahil nga galing siya sa CR.
Habambuhay raw nilang ite-treasure ni Arjo ang mga napanalunan nila sa 50th MMFF higit sa lahat ang FPJ Memorial Award dahil nga napaka-espeyal kay Sylvia si FPJ na Tito Ron kung tawagin niya noong nabubuhay pa.
(ROMMEL L. GONZALES)