• April 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hindi apektado ng survey: PBBM, magtatrabahong mabuti maging anuman ang approval score- Malakanyang

IPAGPAPATULOY lang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatrabaho ng mabuti para sa progreso at pag-unlad ng bansa.

Ito’y sa kabila ng resulta sa survey hinggil sa kanyang ‘performance at trustworthiness.’

Makikita kasi sa 2025 Pahayag Second Quarter Survey na isinagawa ng Publicus Asia Inc., nito lamang June 27 hanggang 30, na 25% ng 1,500 registered Filipino voters ay aprubado ang performance ni Pangulong Marcos bilang pinuno ng bansa.

Nang hingan ng reaksyon si Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa bagay na ito, sinabi niya na tanggap ng Malakanyang ang poll results bilang “good news” subalit binigyang diin ang determinasyon ni Pangulong Marcos na magtrabaho para sa bansa ay hindi nasusukat sa bilang.

“Katulad po nang sinabi natin, hindi po tayo dapat nagre-rely lamang sa mga survey. Bakit? Dahil ang nais lamang po ng Pangulo ay magtrabaho. Hindi po siya maaapektuhan ng anumang survey,” ang pahayag ni Castro.

“So, maganda po kung tumaas, kung bumaba eh syempre hindi maganda. Pero still hindi po siya maapektuhan ng anumang numero patungkol sa survey dahil trabaho lang po ang nais ng Pangulo para sa bansa at para sa taumbayan,” ayon kay Castro.

Sa ulat, ang approval score ni PAngulong Marcos ay mas mataas kaysa sa 19% na naitala sa first quarter ng 2025.

Tumaas ang trust rating ng Pangulo ng 19% sa second quarter mula sa 14% sa first quarter. (Daris Jose)