• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hinamon ng Akbayan ang Malacañang na sertipikahang urgent ang panukalang minimum wage increase.

Kasabay nang paghahain ng Akbayan Partylist ng House Bill No. 00766 o P200 minimum wage hike, iginiit ng grupo ang pangangailangang maipasa ang panukala upang matulungan ang mga manggagawa na mabuhay sa pagtaas ng presyo ng pangunahing biliihin at serbisyo.

Dalawang magkaibang bersyon kaugnay sa minimum wage hike ang ipinasa ng Kamara nitong katatapos na ika-19th Congress ngunit nabigong naipagsama.

Isinisi ng Akbayan ang administration sa kabiguang maipasa ang panukala at hinamon nito ang Malacañang na sertipikahang urgent ito ngayong 20th Congress kung prayoridad ng palasyo ang mga manggagawa.
“Matagal nang nalulunod sa taas presyo ng mga bilihin at matagal nang sumisigaw ng saklolo ang mga Pilipino. Noong 19th Congress may mga aktibong humarang sa gabinete sa P200 wage hike–salbabida na sana naging bato pa. Kung gustong bumawi ng Malacañang dapat i-certify as urgent ng Pangulo ang wage hike,” pahayag ni Akbayan Rep. Perci Cendaña.
Kinutya rin ng mambabatas ang inaprubahang P50 wage increase ng NCR wage board para sa Metro Manila workers.

“A P50 wage increase is still a wage increase. Pero walang karapatang magyabang ang DOLE. Kakarampot itong halaga at di makikinabang ang mga non-NCR workers. Kung seryoso ang DOLE dapat suportahan nila ang panawagan naming gawing priority measure ng Pangulo ang wage hike,” pagtatapos ni Cendaña. (Vina de Guzman)