• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit P.7M shabu, nasabat sa tulak na ginang sa Caloocan

UMABOT sa mahigit P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang ginang na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil umano’y illegal drug activities ng 40-anyos na ginang.

Nang positibo ang ulat, kaagad bumuo ng team si P/Lt. Restie Mables, hepe ng SDEU bago ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Kaagad inaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa katransaksyon na pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu sa Brgy., 178, ng lungsod.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 103.2 grams ng suspected shabu na may estimated standard drug price na P701,760.00 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 12-pirasong P1,000 boodle money.

Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na binibigyang-diin na ang NPD ay nananatiling matatag sa pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na droga para matiyak ang mas ligtas na komunidad. (Richard Mesa)