Higit P.3M droga, nasamsam sa tulak sa Valenzuela
- Published on September 25, 2025
- by @peoplesbalita
MAHIGIT P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Martes ng gabi.
Pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police ang naarestong suspek na kinilala bilang si alyas “Mosi”, 59, caretaker at residente ng Tayog Street Barangay Liputan, Meycauayan, Bulacan.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) OIC Chief P/Lt. Sherwin Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek.
Sinabi pa ni Lt. Dascil na dahil mainit na umano ang suspek sa kanilang lugar sa Bulacan ay sa Valenzuela na umano ito nagbebenta ng droga, partikular sa Brgy. Balangkas.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-11:55 ng gabi nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa Kabisang Imo Road, Brgy., Balangkas matapos umanong bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 45 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P306,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, P200 recovered money at green coin purse.
Ayon kay PSSg Alfredo Mendoza III, nakatakda nilang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)