Higit 6K pulis nakalatag sa paligid ng Senado – NCRPONAGLATAG na nang mahigpit na security measures ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paligid ng Senado sa Pasay City kung saan nasa mahigit 6,000 pulis ang ikinalat para sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte ngayong araw.
- Published on July 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, inatasan ni NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin ang pag-deploy ng 3,250 Civil Disturbance Management personnel at 2,900 Reactionary Standby Support Force personnel upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa labas ng Senate complex habang isinasagawa ang paglilitis.
Sinabi ni Asilo na magbabantay ang mga pulis sa perimeter ng Senado, kabilang ang mga pangunahing access road, ingress at egress points, upang maiwasan ang anumang banta sa seguridad, mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko, at matiyak ang ligtas na pagpasok at paglabas ng mga opisyal, empleyado, at iba pang may transaksyon sa Senado.
Nilinaw ng NCRPO na ang kanilang mandato ay nakatuon lamang sa seguridad sa labas ng Senate complex. Kabilang dito ang pagtiyak na magiging mapayapa at maayos ang anumang kilos-protesta at hindi maaantala ang impeachment proceedings o makagagambala sa publiko.
Nanawagan naman si Asilo sa mga raliyista at sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad. Aniya, kinikilala ng NCRPO ang karapatan ng bawat isa sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag ng saloobin, ngunit mahalaga ring sundin ang umiiral na mga batas, regulasyon, at itinakdang security protocols upang mapanatili ang kaayusan sa paligid ng Senado.
Dagdag pa ni Asilo, paiigtingin din ang inspeksyon at pagbabantay sa mga sasakyang papasok at lalabas ng Senate complex upang maiwasan ang pag-uulit ng mga insidente ng kaguluhan, kabilang ang paghahagis ng iba’t ibang bagay sa sasakyan ng isang senador na naitala sa mga nakaraang protesta.