HIGIT 40kls. NG SHABU NA NAGKAKAHALAGA NG ₱272-M NAHARANG NG PDEA SA BATANGAS PORT
- Published on September 18, 2025
- by @peoplesbalita
NAHARANG ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng PDEA Intelligence Service; Seaport Interdiction Units (SIUs) at Provincial Offices ng PDEA Regional Offices IV-A at MIMAROPA, sa pakikipagtulungan ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Ports Authority (PPA), ang humigit-kumulang 40kls. na white crystalline substance na pinaniniwalaang methamphetamine hydrochloride o kilala sa tawag na shabu sa Barangay Sta. Clara, Batangas City noong Setyembre 16, 2025 bandang 5:30 ng hapon.Ang ilegal na droga na tinatayang may market value na ₱272-M, na inilagay sa loob ng transparent plastic bag at ikinarga sa isang sports utility vehicle. Arestado sa operasyon ang isang 30-anyos na lalaking suspek na kinilalang si alyas “Datubon”, residente ng Cotabato City.
Kasong paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naghihintay sa suspek. Kung mapatunayang nagkasala, habambuhay na pagkakakulong at may multang mula ₱500,000 hanggang ₱10-M ang ipapataw sa kanya.
“Kailangan nating protektahan ang ating mga daungan mula sa pagiging transit at dropping point para sa malalaking volume ng ilegal na droga. Regular na isasagawa ang interdiction operations para ma-seal ang ating mga katubigan mula sa drug trafficking”, ani PDEA Director General Isagani R Nerez.
Pinuri ng PDEA Chief ang partisipasyon ng iba pang law enforcement agencies sa matagumpay na pagharang sa mga kontrabando. (PAUL JOHN REYES)