• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

HIGIT 200 STUDENTS NA MAY HIGHEST HONORS, TUMANGGAP NG P10K CASH INCENTIVES

UMABOT sa 222 mag-aaral mula Grade 6, 10, at 12 mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Caloocan City ang nakatanggap ng Php 10,000 cash incentive mula sa pamahalaang lungsod para sa nakamit nilang pinakamataas na karangalan sa School Year 2025-2026.

Ang nasabing inisyatiba ay naging kasanayan ng pamahalaang lungsod sa ilalim ng lMayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan bilang isang paraan upang kilalanin ang mga pagsisikap na ginawa ng mga nangungunang mag-aaral at magbigay ng inspirasyon sa iba na sundin ito.

Binati ni Mayor Along ang mga awardees, kabilang ang mga mag-aaral na tumanggap ng iba pang mga pagkilala sa panahon ng recognition rites ng kani-kanilang mga paaralan sa lungsod, at pinagtibay ang pangako ng pamahalaang lungsod na higit pang tulungan sila sa pagtupad ng kanilang mga pangarap sa hinaharap.

“Congratulations, achievers! Taon-taon na nating ginagawa ang pagbibigay ng insentibo para sa inyo at nawa’y mas lalo kayong magpursigi sa pag-aaral at sana rin ay magsilbi kayong inspirasyon sa inyong mga kapwa mag-aaral,” ani Mayor Along.

“Naniniwala ako na lahat kayo, magiging maganda ang kinabukasan dahil sa ipinapakita Ninyo ngayong pagpupursigi upang makamit ang inyong mga pangarap. Kaya naman hindi kayo pababayaan ng pamahalaang lungsod lalo na sa mga oportunidad na maaari pang makatulong sa inyong pag-aaral,” dagdag niya.

Ipinahayag din ng lokal na punong ehekutibo na ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa lahat ng antas ay isa sa pinakamahalagang prayoridad ng kanyang administrasyon dahil ipinunto niya na ang pagpapadali ng pag-aaral para sa mga mag-aaral at guro ay isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng lungsod.

“Ipagpapatuloy pa natin ang pagbibigay ng libreng school supplies at ang modernisasyon ng bawat paaralan sa ating lungsod. Mula elementary hanggang pagtuntong ng UCC, gusto natin na ang bawat mag-aaral at guro ay walang ibang iisipin kung hindi ang magturo at matuto,” sabi niya.

“Ang bawat programa para sa pagpapaganda ng ating mga paaralan at sa pagpapagaanan ng buhay ng ating mga mag-aaral at guro ay para sa pagbuo ng Magandang kinabukasan para sa lungsod,” dagdag ng alkalde.
(Richard Mesa)