Higit 1000 pamilya sa Caloocan, nakatanggap ng P10K ayuda
- Published on September 16, 2025
- by @peoplesbalita
MAHIGIT 1,000 pamilya na benepisyaryo ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng National Housing Authority (NHA) na bahagi ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Tapat para sa Lahat program ang nakatanggap ng tig-P10K tulong pinansyal na emergency relief para sa kanilang gastusin sa pabahay.
Ito’y naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa NHA sa pamamagitan ng Housing and Resettlement Office (HARO) at Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD).
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa NHA at binigyang-diin ang sariling hakbangin ng pamahalaang lungsod na palakasin ang mga lokal na programa sa pabahay.
“Makaaasa po ang pamunuan ng NHA at ng iba pang ahensya ng pamahalaang nasyonal na mananatili nilang katuwang ang ating administrasyon sa pagsasaayos ng sistema ng pabahay sa ating lungsod. Maraming salamat po sa inyo,” ani Mayor Along.
“Hindi naman po lingid sa ating kaalaman na mayroon pa tayong mga kababayan na wala pang kasiguraduhan pagdating sa kanilang mga tahanan. Kaya naman mula noong nagsimula ang ating pamumuno, sinimulan natin ang pagpapatayo ng Deparo at Banker’s Residences, kasabay pa ng pagtulong sa ating mga matagal nang residente ng Caloocan na magkaroon ng Certificate of Entitlement for Lot Allocation (CELA),” dagdag niya. (Richard Mesa)