Higit 100 benepisyaryo mula sa vulnerable sectors, nakatanggap ng libreng livelihood packages
- Published on August 13, 2025
- by @peoplesbalita
UMABOT sa kabuuang 106 ‘Bigasan’ Livelihood Packages ang naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa mga miyembro ng vulnerable sectors, na kinabibilangan ng Persons with Disability (PWDs), senior citizens, solo parents, returning Overseas Filipino Workers (OFWs), at home-based workers.
Ang One ‘Bigasan’ Livelihood package ay binubuo ng anim na sako ng bigas kasama ang iba pang mahahalagang pangangailangan sa negosyo, na may layuning mabigyan ng matatag na pagkakakitaan ang mga tatanggap nito.
Dagdag pa rito, tatlo pang benepisyaryo ang nakatanggap ng mga makinang panahi at iba pang tailoring materials, habang ang isa naman ay nabigyan ng barbecue business package.
Kinilala ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga hamon na kinakaharap ng mga miyembro ng mga mahihinang sektor sa paghahanap ng marangal at sapat na kabuhayan at ipinahayag ang inisyatiba ng kanyang administrasyon na konkretong matugunan ang mga alalahaning ito sa pangmatagalang paraan.
“Kahit noong hindi pa ako Mayor, marami na ang nagsasabi sa atin na mga miyembro ng vulnerable sectors sa lungsod na nahihirapan silang makahanap ng kabuhayan at trabaho sa iba’t-ibang kadahilanan,” ani Malapitan.
“Kaya naman mula noong nagsimula ang ating unang termino, regular nating binibigyan ng prayoridad ang mga senior citizen, PWD, solo parent, at mga magulang ng child laborers na magkaroon ng sarili nilang pagkakakitaan, bukod pa sa pag-aalis ng mga sistemang nagdi-diskrimina sa kanila,” dagdag niya.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng ‘Bigasan’ Package ay si G. Marcelino Estonactoc, 67, na kamakailan lamang ay nagtapos sa Maypajo High School.
Ayon kay Mayor Along, patunay si G. Estonactoc na anuman ang katayuan o edad, lahat ng handang magsikap para sa mas magandang buhay ay makikinabang nang malaki sa mga patakaran at programa ng pamahalaang lungsod
“Nakita naman po natin ang kwento ng buhay ni Mang Marcelino, na patunay na ang pagsisikap na maabot ang mga pangarap, walang pinipiling edad o estado sa buhay. Kaya asahan po ninyo na tutulungan natin ang mga kagaya niya na magkaroon ng oportunidad na bigyan ng maganda buhay ang kanilang mga sarili,” ani Mayor Along. (Richard Mesa)