Hidilyn na-scam, natuto nang leksyon
- Published on October 30, 2021
- by @peoplesbalita
Sinong mag-aakalang na-scam na si Tokyo Olympic Games gold medalist Hidilyn Diaz.
Sa isang press conference ay inamin ni Diaz na minsan na siyang nabiktima ng scammer matapos niyang makakuha ng cash incentives sa pagbuhat sa silver medal sa women’s weightlifting noong 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Umaasa ang 30-anyos na national weightlifter na maibabahagi niya sa iba pang atleta ang kanyang eksperyensa.
“I’m hoping na matuto tayo. Matuto tayo sa mga pagkakamali natin at pagkakamali ng mga kasama natin,” wika ng tubong Zamboanga City.
Milyun-milyon ang natanggap na cash incentives ni Diaz matapos kunin ang kauna-unahang gold medal ng Pinas sa nakaraang 2021 Tokyo Olympics.
Ngayon ay alam na ni Diaz ang kanyang gagawin sa mga natanggap na halos P56 milyong insentibo, mga house and lots, condominium units at kotse.
Ang pag-iipon ang unang payo ni Diaz sa mga kapwa niya national athletes.
“Para sa akin, mag-ipon tayo kasi hindi tayo forever na atleta. Suwerte na lang magtagal tayo,” ani Diaz. “Di ba may kasabihan na nasa huli ang pagsisisi, pero huwag tayong ganoon.”
Nakatakdang sumabak si Diaz sa 2021 International Weightlifting Federation (IWF) World Championships sa Disyembre sa Tashkent, Uzbekistan.