• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Helper na wanted sa robbery sa Batangas, tiklo sa Valenzuela

TIMBOG ang isang helper na wanted sa kaso ng Robbery sa lalawigan ng Batangas nang matunton ng pulisya sa ikinasang operation sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, ang 41-anyos na akusado na residente ng Brgy., Ugong ng lungsod ay pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Talento na nakatanggap ng impormasyon na kasalukuyang nanunuluyan sa lungsod ang akusado.

Ang akusado ay may nakabinbin na arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 87, Rosario, Batangas para sa kasong Robbery (Article 293 of the Revised Penal Code).

Kaagad namang isinagawa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Sub-Station 8 ang operation laban sa akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya bago dinala sa Valenzuela City Hospital para sa medical examination.

Pinuri naman ni P/BGen. Capili ang operating team sa kanilang pagsisikap na natugisin ang mga wanted na indibidwal na pinaghahanap ng batas at tiyaking maihaharap ang mga ito sa hukuman. (Richard Mesa)